NOLI ME TANGERE (Unang Nobela ni Dr. Jose P. Rizal)
HUWAG MO AKONG SALINGIN (HAWAKAN)
- Inialay ni Rizal sa Inang Bayan
- Nobelang panlipunan, tumatalakay sa pamumuhay, pag-uugali at sakit ng mga mamamayan noon.
BUOD NG NOLI ME TANGERE
Si
Crisostomo Ibarra ay isang binatang Pilipino na pinag-aral ng kanyang ama sa
Europa. Pagkatapos ng pitong taong pamamalagi roon ay nagbalik ito sa
Pilipinas. Dahil sa kanyang pagdating ay naghandog si Kapitan Tiyago ng isang
salo-salo kung saan ito ay dinaluhan nina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente
Guevarra, Donya Victorina at ilang matataas na tao, sa lipunan Kastila. Sa
hapunang iyon ay hiniya ni Padre Damaso na siyang dating kura ng San Diego, ang
binata ngunit ito'y hindi na lamang niya pinansin at magalang na nagpaalam at
nagdahilang may mahalagang lalakarin.
Si
Ibarra ay kasintahan ni Maria Clara. Siya kilala bilang anak-anakan ni Kapitan
Tiyago, isang mayamang taga-Binundok. Ang binata ay dumalaw sa dalaga
kinabukasan at sa kanilang pag-uulayaw ay di nakaligtaang gunitain ang kanilang
pagmamahalan simula pa sa kanilang pagkabata. Di nakaligtaang basahing muli ni
Maria Clara ang mga liham ng binata sa kanya bago pa man ito mag-aral sa
Europa. Bago tumungo si Ibarra sa San Diego ay ipinagtapat sa kanya ni Tinyente
Guevarra ng Guardia Sibil ang tungkol sa pagkamatay nga kanyang amang si Don
Rafael, ang mayamang asendero sa bayang yaon.
Ayon sa
Tinyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso, na Erehe at
Pilibustero, gawa ng di nito pagsisimba at pangungumpisal. Nadagdagan pa ng
isang pangyayari ang paratang na ito. Minsan ay may isang maniningil ng buwis
na nakaaway ng isang batang mag-aaral, nakita ito ni Don Rafael at tinulungan
ang bata, nagalit ang kubrador at sila ang nagpanlaban, sa kasamaang palad ay
tumama ang ulo ng kastila sa isang bato na kanyang ikinamatay. Ibinintang ang
pagkamatay na ito ng kubrador kay Don Rafael, pinag-usig siya, nagsulputan ang
kanyang mga lihim na kaaway at nagharap ng iba-ibang sakdal.
Siya ay
nabilanggo at ng malapit nang malutas ang usapin ay nagkasakit ang matanda at
namatay sa bilangguan. Di pa rin nasiyahan si Padre Damaso sa pangyayaring iyon.
Inutusan niya ang tagapaglibing na hukayin ang bangkay ni Don Rafael sa
kinalilibingan nitong sementeryo para sa katoliko at ibaon sa libingan ng mga
Intsik at dahil umuulan noon at sa kabigatan ng bangkay ay ipinasya ng
tagapaglibing na itapon na lamang ito sa lawa.
Hindi
binalak ni Ibarra ang maghiganti sa ginawang kabuktutang ito ni Padre Damaso at
sa halip ay ipinagpatuloy ang balak ng kanyang ama na magpatayo ng paaralan.
Sa
pagdiriwang ng paglalagay ng unang bato ng paaralan ay kamuntik nang mapatay si
Ibarra kung hindi siya nailigtas ni Elias. Sa paglagpak ng bato habang ito'y
inihuhugos ay hindi si Ibarra ang nasawi kundi ang taong binayaran ng lihim na
kaaway ng binata.
Sa
pananghaliang inihandog ni Ibarra pagkatapos ng pagbabasbas ay muling
pinasaringan ni Padre Damaso ang binata, hindi na lamang niya sana ito
papansinin subalit nang hamakin ang alaala ng kanyang ama ay hindi na siya
nakapagpigil at tinangkang saksakin ang pari, salamat na lamang at napigilan
ito ni Maria Clara.
Dahil
sa pangyayaring ito ay itiniwalag o ineskomonyon si Ibarra ng Arsobispo ng
simbahang Katoliko Romano. Sinamantala ito ni Padre Damaso upang utusan si
Kapitan Tiyago na sirain ang kasunduan sa pagpapakasal nina Ibarra at Maria
Clara. Nais ng pari na ang mapangasawa ng dalaga ay si Linares na isang
binatang kastila na bagong dating sa Pilipinas.
Dahil sa pagkasindak sa
gumuhong bato noong araw ng pagdiriwang si Maria Clara'y nagkasakit at
naglubha. Dahil sa ipinadalang gamot ni Ibarra na siya namang ipinainom ni
Sinang gumaling agad ang dalaga.
Sa
tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagkakaeskomulgado ni Ibarra
at ipinasya ng arsobispo na muli siyang tanggapin sa simbahang Katoliko.
Ngunit, nagkataon noong sinalakay ng mga taong pinag-uusig ang kwartel ng sibil
at ang napagbintangang may kagagawan ay si Ibarra kaya siya ay dinakip at
ibinilanggo. Wala talagang kinalaman dito ang binata sapagkat nang kausapin
siya ni Elias upang pamunuan ang mga pinag-uusig ay tahasan siyang tumanggi at
sinabing kailanman ay hindi siya maaring mamuno sa mga taong kumakatawan sa
bayan.
Napawalang-bisa
ang bintang kay Ibarra sapagkat sa paglilitis na ginawa ay walang sino mang
makapagsabi na siya'y kasabwat sa kaguluhang naganap. Subalit ang sulat niya kay
Maria Clara na napasakamay ng hukuman ang siyang ginawang sangkapan upang
siya'y mapahamak.
Nagkaroon
ng handaan sa bahay nina Kapitan Tiyago upang ipahayag ang kasunduan sa
pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares at samantalang nagaganap ito ay
nakatakas ni Ibarra sa bilangguan sa tulong ni Elias.
Bago
tuluyang tumakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Ibarrang magkausap sila ng
lihim ni Maria Clara,. Anya'y ipinagkaloob na niya rito ang kalayaan at sana'y
lumigaya siya at matahimik na ang kalooban. Ipinaliwanag ni Maria Clara na ang
liham na kanyang iniingatan at siyang ginamit sa hukuman ay nakuha sa kanya sa
pamamagitan ng pagbabanta at pananakot. Ipinalit sa mga liham na ito ang
dalawang liham na isinulat ng kanyang ina bago siya ipanganak na nakuha ni
Padre Salvi sa kumbento at dito nasasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre
Damaso.
Sinabi
niya kay Ibarra na kaya siya pakakasal kay Linares ay upang ipagtanggol ang
karangalan ng kanyang ina subalit ang pag-iibig niya sa binata ay di magbabago
kailanman.
Samantala,
tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng bangka, pinahiga si
Ibarra at tinabunan ng damo at pagkatapos ay tinunton ang ilog Pasig hanggang
makarating sa Lawa ng Bay. Ngunit naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Inisip
ni Elias na iligaw ang mga ito kaya naisipan niyang lumundag sa tubig kung saan
inakalang si Ibarra ang tumalon kaya hinabol at pinaputukan siya ng mga sibil
hanggang mahawi ang bakas ng pagkakalangoy at magkulay-dugo ang tubig.
Nakarating
sa kaalaman ni Maria Clara na si Ibarra'y napatay ng mga Sibil sa kanyang
pagtakas. Ang dalaga'y nalungkot at nawalan ng pag-asa kaya't hiniling niya kay
Padre Damaso na siya'y ipasok sa kumbento ng Santa Clara upang magmadre.
Napilitang pumayag ang pare sapagkat tiyakang sinabi ng dalaga na siya'y
magpapakamatay kapag hindi pinagmadre.
Noche
Buena nang makarating si Elias sa maalamat na gubat ng mga Ibarra, sugatan at
nanghihina na doon niya nakatagpo si Basilio at ina nitong wala nang buhay.
Bago siya nalagutan ng
hininga ay sinabing, namatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng
kanyang bayan at ang makakakita ay huwag sanang kalilimutan ang mga nangamatay
dahil sa pagtatanggol sa bayan.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento